I bblog ko yan

Kahapon, manonood sana ako ng basketball game ng UST at FEU kaso 3rd quarter na nasa Recto pa rin ako kaya nagdesisyon na lang akong umuwi na. As usual, jeep na papuntang Gasak ang sinakyan ko kasi laging puno ang papuntang Navotas. Sa north gate ako ng LRT2 lumabas (malapit sa slums) kasi.. gusto ko lang. Binaybay ko yun at nakita ko na agad ang iba’t ibang klase ng tao na matagal ko nang hindi nakita simula nang mapamahal ako sa Taft Avenue. May mga tao na nakakatakot tumingin kaya sa puntong iyon ay parang nagsisisi na ako na dun pa ako lumabas. Pakiramdam ko sa kahit anong oras ay pwedeng pwede akong saksakin sa likod ng kung sino man.

Buti na lang may jeep akong nakita.

——

Malapit nang mapuno yung nasakyan kong jeep. Mga tatlong tao na lang puno na. Kasabay kong sumakay ang isang matandang babae. Nagtanong siya sa akin: “nak, papunta bang Divisoria ‘to?” Syempre sabi ko hindi, papuntang Malabon yun eh. Pinara niya agad yung jeep at syempre na-upset si manong driver kasi kaaandar pa lang ng jeep, tigil na agad. Inaway niya ng konti yung matanda, at mejo hindi ako natuwa dun.

“Tarantado tong driver na to ah.”

Si manong driver: Parang goons. Madungis. Balbal mag salita. Nakakirita. Sobrang ingay. Madaldal. Kasama niya ang anak niyang mukhang 8 years old, payat, at ang silbi dun sa jeep e taga-bigay ng sukli.

Ang gusto ko talagang ikwento: Sa 45-minuto na biyaheng iyon ay walang pinag-usapan ang mag ama (yung driver at yung bata) kundi WALA. Oo, tungkol sa wala. Ibig kong sabihin ng wala ay… tungkol sa kung ano-ano lang. Tungkol sa buhay. Tungkol sa mga dapat malaman ng isang normal na tao tungkol sa buhay. Tungkol sa kung anong kailangan gawin para mabuhay. Basta, tungkol sa buhay.

Nung una, pawang ingay lang at mga mura ang naririnig ko sa driver na iyon pero nung huli, nung pinakinggan ko na yung mga pinagsasasabi niya, saka ko lang nasabi sa sarili ko na isa siyang taong may saysay. May utak. May puso.

Bakit: Nakakatuwa na hindi. Kung kausapin niya ang anak niya ay parang kainuman niya lang. Straight to the point. Walang bola-bola. Walang fairytales. Walang magic. Pawang katotohanan lang tungkol sa pag-ikot ng mga bagay dito sa mundo. Mga masasakit na katotohanan.

Kung tutuusin ay hindi kaya nung bata na i-process yung mga sinasabi ng tatay niya sa kanya, pero base sa nakita ko.. naiintindihan niya. (Masyadong madami kaya ayaw ko nang isa-isahin pa)

Wala lang. Ang saya lang kasi siguro magkaroon ng magulang na ganoon ang tipo. Kaya siguro halos lahat ng kabataan na nasa maykayang pamilya, hindi matibay ang survival instincts. Parang ako. Kapag ako, iniwan mo sa kung saan, hindi ko na kaya ng ako lang mag-isa.

Pero iba ang sitwasyon nung mag-ama eh. Iba sila. Hindi lang siguro sila pinalad na magkaroon ng malaking kita o pera, pero yung nalalaman nila (lalo na nung tatay) sa buhay ay sobra sobra na.

Oo, humanga ako.

Conclusion: Meron tayong mga pag-aari na wala ang iba. At meron rin ang iba na wala sa atin. Quits.

Pahabol: Nakakatamad tapusin. Zzzzz